Panimula sa Katalogo ng mga Nanganganib na Wika
Ang Aming Impormasyon sa Wika

Alamin ang tungkol sa Katalogo ng mga Nanganganib na Wika​​, ang proyektong pananaliksik na nagbibigay ng impormasyon sa wika sa site ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika.

 

Panimula sa Katalogo ng mga Nanganganib na Wika

Sa humigit-kumulang 7,000 wikang ginagamit ngayon sa mundo, halos kalahati ang nasa panganib na mapatahimik sa susunod na ilang henerasyon. Isa itong pantaong krisis na walang katulad na sukat at bilis: sa pagkakaalam ng mga lingguwista at iba pang mga iskolar, wala pang panahon sa kasaysayan ng tao na ang pagkakaiba-iba ng wika ay nahaharap sa ganoong kabilis na pagkawasak.

Upang malaman ang tungkol sa kasalukuyang mga antas ng pagkawala ng wika, o upang tantiyahin ang bilang at kasalukuyang katayuan ng mga nanganganib na wika sa mundo, kailangan natin ng maasahang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng pagkawala ng wika sa buong mundo. Tinutupad ng Katalogo ng mga Nanganganib na Wika ​​(ELCat) ang pangangailangang iyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa pagkawala at pagkabuhay ng wika na siyang maaasahan at ginagamit ng mga mananaliksik, mga organisasyong pangkomunidad, mga gumagawa ng patakaran, mga mag-aaral, at iba pang madla sa buong mundo.

Ang Katalogo ay isang materyal na nagbibigay ng komprehensibo, maaasahan, at napapanahong impormasyon tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga nanganganib na wika sa mundo, mula sa kalagitnaan ng ika-20 siglo hanggang sa kasalukuyan. Nagbibigay ito ng isang libreng database ng impormasyon ng pagkabuhay ng wika sa isang pandaigdigang saklaw, na aktibong ina-update sa patuloy na batayan. Nangangalap din ito ng impormasyon tungkol sa pagkabuhay ng wika mula sa maraming materyal, at nagbabahagi ng impormasyon mula sa maraming maaasahang tao at publikasyon hangga't maaari, sa halip na magharap lamang ng isang mapagkukunan ng impormasyon.

Ang Katalogo ay naglalayong magbigay ng impormasyon at suporta sa mga iskolar, mga revitalization practitioner, mga tagapagtaguyod ng wika, mga tagapagturo, mga gumagawa ng patakaran, at ang pangkalahatang publiko sa pamamagitan ng pagbabahagi ng lahat ng impormasyong ito nang libre. Naniniwala kami na ang pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa pagkabuhay at pagkawala ng wika ay maaaring suportahan ang mga tao na baligtarin ang pandaigdigang krisis na ito at lumikha ng mga positibo at pro-aktibong tugon sa pagkawala ng wika.

Ang Katalogo ng mga Nanganganib Na Wika ​​(ELCat) ay binuo, inilathala, at pinananatili ng Unibersidad ng Hawaiʻi sa Mānoa (UHM) Department of Linguistics, sa ilalim ng direksyon ni Dr. Gary Holton. Ito ay inilathala online sa pamamagitan ng website ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika (ELP), na nakipagtulungan sa UHM at sa Katalogo mula nang ilunsad ito noong 2012.

Para sa higit pang mga detalye tungkol sa Katalogo, ang impormasyon sa wika na nakapaloob dito, at kung paano magagamit ang impormasyong iyon sa dokumentasyon at pagpapasigla ng wika, pananaliksik, at patakaran, tingnan ang aklat na Cataloguing the World’s Endangered Languages (2018). 

Pag-unawa sa Mga Nilalaman at Layunin ng Katalogo

Mahalagang linawin kung ano ang nilalaman at hindi nilalaman ng Katalogo, at kung ano ang ginagawa at hindi ginagawa nito. Ang paraan ng pagpapakita ng pagkabuhay ng wika dito ay maaaring maging napakahalaga, ngunit hindi ito ang tanging paraan ng pagkatawan o pag-unawa sa pagkabuhay ng wika.

Ang Katalogo ay isang database ng dami ng impormasyon (mga bilang at sukat). Nagbabahagi ito ng impormasyon tulad ng tinatayang bilang ng nagsasalita, antas ng pagpapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod (kung ang mga bata ay natututo ng isang wika), at mga saklaw ng paggamit (kung saang bahagi ng buhay ginagamit ang isang wika). Ang Katalogo ay hindi kumakatawan sa kahusayan (mga karanasan, mga kuwento, mga pananaw, mga damdamin) ng pagkabuhay at pagkawala ng wika.

Ang dami ng impormasyon, tulad ng kung ano ang nilalaman sa Katalogo, ay maaaring napakahalaga upang makita ang malawak na pandaigdigang takbo ng pagkabuhay at pagkawala ng wika. Ang paggamit ng mga bilang at sukat ay nagpapahintulot na ihambing ang pagkabuhay ng libu-libong wika sa bawat kontinente, sa pangkalahatang paraan. Gayunpaman, hindi maaaring katawanin o ilarawan ng mga bilang ang kahalagahan, kahulugan, o karanasan ng pagkawala o pagbalik ng wika.

Maraming magagandang sulatin at iskolarsip tungkol sa paggamit ng mga bilang upang sukatin ang pagkabuhay at pagkawala ng wika. Tinatalakay ng pangkat ng gawaing ito ang mga paraan kung saan maaaring lumikha ang quantitative na pananaliksik ng hindi kumpleto o nakapipinsalang pag-unawa sa pagkawala sa wika, gayundin ang mga paraan na magagamit ang mga bilang at istatistika upang itaguyod ang pagpapasigla at mga karapatan ng wika.

Kung Saan Nagmumula ang Impormasyon sa Katalogo

Ang impormasyon sa Katalogo ay kinalap mula sa isang malawak na hanay ng mga lugar. Ang proyekto ng Katalogo ay hindi nagsasagawa ng mismong pananaliksik o fieldwork. Marami sa impormasyon ay nagmumula sa mga inilathalang materyal: mga libro, mga artikulo sa pahayagan, mga census, pangkalahatang kumperensya, at iba pa. Regular na sinusuri ng pangkat ng mananaliksik ng Katalogo ang mga bagong publikasyon, at idinaragdag ang impormasyon mula sa mga publikasyong ito sa database.

Direkta rin kaming nangangalap ng impormasyon mula sa mga indibidwal at organisasyon. Sa pamamagitan ng aming malawak na pandaigdigang network, ang pangkat ng Katalogo at Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika ay nakikipag-ugnayan sa mga organisasyong pangkomunidad, mga institusyong pang-akademiko, mga NGO, mga programa sa pagpapasigla, mga iskolar, mga kinatawan ng mga katutubong pangkat, at iba pa na may direktang kaalaman tungkol sa pagkabuhay ng isang wika. Inaanyayahan namin ang aming network na magbahagi ng impormasyon sa amin tungkol sa mga wika at mga komunidad ng wika na pinagtatrabahuhan nila.

Ang lahat ng impormasyon sa Katalogo ay sinusuri ng Pandaigdigang Lupon ng mga Direktor, isang grupo ng mga akademikong lingguwista na nagtatrabaho at espesyalista sa mga wika ng mga partikular na rehiyon o pamilya ng wika. Hindi maaaring direktang i-edit ng publiko ang impormasyon ng wika sa site ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika; maaari silang, gayunpaman, magpahiwatig ng bagong impormasyon, na susuriin ng International Board of Directors. Ito ay upang matiyak na ang impormasyong makikita mo sa Katalogo ay sumusunod sa malawakang ginagamit na mahigpit pamantayan ng akademiko, at ito ay maaasahan hangga't maaari para sa mga layunin ng pananaliksik.

Nalalayon ang Katalogo ay na mangalap at magbahagi ng lahat na magagamit at maaasahang impormasyon tungkol sa pagkabuhay ng bawat nanganganib na wika. Nangangahulugan ito na ang aming impormasyon sa wika ay maaaring magmukhang medyo naiiba kaysa sa iba pang mga database: para sa bawat wika, sa palagay namin ay mahalagang ipakita ang impormasyon mula sa maraming iba't ibang mga mapagkukunan. Nagbibigay-daan ito sa mga gumagamit na maghambing ng iba't ibang pagtatantiya ng pagkabuhay sa paglipas ng panahon, o makakita ng mga hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga pinagmulan. Hindi nagpapasya ang Katalogo kung aling paglalarawan ang "tama", ngunit pinapaboran nito ang isang pinamulan ng impormasyon (karaniwan ay ang pinakabago o pinakapuspusan) bilang ang unang hanay ng impormasyon na lumalabas sa isang pahina ng wika. Upang makita kung saan nagmula ang impormasyon, o upang paghambingin ang maraming mapagkukunan, maaari mong konsultahin ang seksyong "Impormasyon sa Wika ayon sa Pinagmulan" sa bawat pahina ng wika.

Binibigyang-prayoridad rin ng proyekto ng Katalogo ang mga etikal at mga responsableng kasanayan sa pangangalap at pagbabahagi ng impormasyon. Nilalayon naming magbahagi lamang ng impormasyon na naaangkop na ipalaganap sa publiko, at ang aming gawain ay isang patuloy na pag-uusap sa pagitan ng pangkat ng pananaliksik, ng mga komunidad na ang mga wika ay tinatalakay, at ng mga taong gumagamit ng Katalogo.

Kung nais mong magbahagi ng mas bago o mas tumpak na impormasyon tungkol sa katibayan ng isang partikular na wika, iniimbitahan ka naming makipag-ugnayan sa amin.

Pagtatasa ng pagkabuhay ng wika

Ang sistemang ginamit ng Katalogo ng mga Nanganganib na Wika ​​para masuri ang mga antas ng pagkabuhay ng wika ay tinatawag na Language Endangerment Index (LEI).

Ang LEI ay binuo noong {1}2011{2}{3} ng pangkat ng pananaliksik ng Katalogo sa University of Hawaiʻi at Mānoa.
Sa mga unang pagsulong ng proyekto ng Katalogo, isinasaalang-alang ng pangkat ng pananaliksik ang paggamit ng mga umiiral nang mga kagamitan sa pagtatasa gaya ng EGIDS o UNESCO scale, ngunit sa iba't ibang dahilan, nadama na ang mga kagamitan na ito ay hindi nakatutugon sa mga pangangailangan ng proyekto ng Katalogo (tingnan ang Lee & Van Way 2016). Ang layunin ng pagbuo ng LEI ay upang mas maunawaan at maipakita ang mga pattern ng pagkawala ng wika sa pandaigdigang antas; upang mas maipakita ang mga salik sa totoong mundo sa pagbabago ng wika; at magkaroon ng mas teoretikal na tool para sa pagsukat ng pagkabuhay ng wika kaysa sa dating magagamit.

Mayroong dalawang mga antas ng pagsukat na sa LEI: ang grado ng pagkabuhay, at ang grado ng "katiyakan", na tumutukoy sa dami ng impormasyong ginamit upang gawin ang grado ng pagkabuhay. Inilarawan ang mga ito sa ibaba.

Grado ng pagkabuhay: Sinusuri ng LEI ang apat na mga salik ng pagkabuhay ng wika:

  1. Kabuuang bilang ng mga nagsasalita/tagalagda
  2. Kalagayan ng bilang ng nagsasalita (kung tumataas, nananatili, o bumababa)
  3. Pagpapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod (kung ipinapasa ang wika sa pagitan ng mga henerasyon)
  4. Mga saklaw ng paggamit (kung saang bahagi ng buhay ginagamit ang wika)

Ang bawat isa sa apat na salik na ito ay binibigyan ng pamilang na grado mula 0–5 (0 ang hindi gaano nanganganib, 5 ang pinakananganganib), batay sa impormasyong ipinakita ng isang partikular na pinagmulan (isang tao, aklat, artikulo, website, atbp.).

Pagkatapos ay kinakalkula ang bawat isa sa apat na pamilang na grado na ito sa pangkalahatang “grado ng pagkabuhay.” Sa sistema ng pagsukat na ito, ang pagpapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod ay dalawang beses na mas mabigat kaysa sa tatlong iba pang mga salik, dahil ang pagpapasa ng wika ay itinuturing na isang mahalagang bahagi ng pagkabuhay ng wika sa loob ng larangan ng linggwistiks.

Grado ng katiyakan: Kung walang makukuhang impormasyon tungkol sa isang partikular na salik ng pagkabuhay, hindi ito nakakakuha ng marka. Halimbawa, kung ang isang pinagkunan ay hindi nagbibigay ng impormasyon tungkol sa kung gaano karaming tao ang gumagamit ng isang wika, ang grado ng katibayan batay sa pinagkunan na iyon ay hindi magsasama ng marka para sa mga bilang ng nagsasalita/tagalagda.

Ang bilang ng mga salik na nakakakuha ng marka ay tumutukoy sa antas ng "katiyakan" ng bawat grado ng pagkabuhay: halimbawa, ang isang tatak na "100% tiyak" ay hindi nangangahulugan na ang grado na ito ay hindi nagkakamali, nangangahulugan lamang ito na ang impormasyon ay magagamit upang makuha ang lahat ng mga salik ng LEI. Katulad nito, ang isang tatak na "20% tiyak" ay nangangahulugan na ang impormasyon ay magagamit lamang para sa isang hindi naipapasa na salik. Ang mabababang grado ng katiyakan ay nagpapahiwatig na ang grado ng pagkabuhay ay batay sa kaunting impormasyon, kadalasan dahil ang impormasyong iyon ay hindi magagamit ng pangkat ng pananaliksik ng Katalog.

Ang grado ng katibayan na ipinakita para sa bawat wika ay hindi nilalayong maging pangwakas. Ibinibigay ang mga markang ito para sa mga praktikal na layunin, upang magbigay ng mabilisan at pahapyaw na biswal na indikasyon sa katayuan ng pagkawala ng isang wika. Ang isang mas malalim na paglalarawan ng LEI ay makukuha sa artikulong ito:

 Lee, N. H., & Van Way, J. (2016). Assessing levels of endangerment in the Catalogue of Endangered Languages (ELCat) using the Language Endangerment Index (LEI). Language in Society45(2), 271–292. http://doi.org/10.1017/S0047404515000962 

Ang Katalogo ng mga Nanganganib Na Wika: Kasaysayan at Tauhan ng Proyekto

Ang mga layunin at pangunahing istruktura ng Katalogo ay binuo sa isang workshop noong 2009 na nagtipon ng humigit-kumulang 50 akademikong lingguwista mula sa buong mundo, na sinusuportahan ng isang US National Science Foundation grant na pinamagatang "Pagtutulungang Pananaliksik: Proyekto para sa Impormasyon at Imprastraktura ng mga Nanganganib na Wika”. Ang mismong Katalogo ay unang binuo sa ilalim ng direksyon ni Dr. Lyle Campbell (University of Hawai‘i at Mānoa) at Dr. Anthony Aristar at Dr. Helen Aristar-Dry (Listahan ng LINGGUWISTA sa Eastern Michigan University) sa paunang yugto ng proyekto, 2010–2013.

Noong 2012, ang unang bersyon ng Katalogo ay inilabas sa publiko bilang bahagi ng bagong website ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika.

Noong 2014, lumipat ang proyekto sa pangalawang yugto nito, at lahat ng aktibidad sa pananaliksik at ang pagho-host ng website ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika ay inilipat sa Unibersidad ng Hawaiʻi sa Mānoa. Noong 2016, nagretiro si Dr. Campbell, at naging direktor ng Katalogo si Dr. Gary Holton.

Ang impormasyon sa Katalogo ay nakalap at ipinasok ng isang pangkat ng mga nagtapos na estudyanteng mananaliksik na mula sa Unibersidad ng Hawaiʻi sa Mānoa at Eastern Michigan University sa loob ng maraming taon, at sinuri ng Pandaigdigang Lupon ng mga Direktor. Isinama sa pangkat ng pananaliksik sina:

  • Carolina Aragon
  • Liam Archbold
  • Russell Barlow
  • Anna Belew
  • Amy Brunett
  • Yen-ling Chen
  • Jacob Collard
  • Uliana (Kazagasheva) Donahue
  • Cole Flottman
  • Shirley Gabber
  • Katie Butler Gao
  • Bryn Hauk
  • Raina Heaton
  • Joelle Kirtley
  • Eve Okura Koller
  • Nala Huiying Lee
  • Clemens Mayer
  • Lwin Moe
  • Josiah Murphy
  • Colleen O'Brien
  • Henry Osborne
  • Melody Ann Ross
  • Sean Simpson
  • Aliya Slayton
  • Kaori Ueki
  • Gregory Vondiziano
  • John Van Way
  • Stephanie Walla
  • Olivia Waring
  • Stephanie (Locke) Witkowski
  • Brent Woo
  • Kristen (Dunkinson) Ikeda Yoza

 

Ang impormasyon sa Katalogo ay sinusuri at inaprubahan ng Internasyonal na Lupon ng mga Direktor ng Katalogo, isang grupo ng mga akademikong lingguwista na dalubhasa sa mga wika ng mga partikular na lugar o pamilya ng wika. Ang Internasyonal na Lupon ng mga Direktor ng Katalogo ay sina:

 

  • Dr. Gary Holton (Catalogue Director), University of Hawaiʻi at Mānoa
  • Dr. Willem Adelaar, Leiden University (Regional Director for South America)
  • Dr. Greg Anderson, Living Tongues Institute for Endangered Languages (Regional Director for South Asia)
  • Dr. Habib Borjian, Columbia University (Regional Director for Near East)
  • Dr. David Bradley, La Trobe University (Regional Director for East Asia)
  • Dr. Matthias Brenzinger, University of Cape Town (Regional Director for Africa)
  • Dr. Lyle Campbell, University of Hawaiʻi at Mānoa (Regional Director for the Americas)
  • Dr. Verónica Grondona, Eastern Michigan University
  • Tracey Herbert, First Peoples’ Cultural Council
  • Dr. Brian Joseph, The Ohio State University (Regional Director for Europe)
  • Dr. Mary Linn, Smithsonian Institution
  • Dr. Bill Palmer, University of Newcastle (Regional Director for the Pacific)
  • Dr. Keren Rice, University of Toronto (Regional Director for North America)
  • Dr. David Solnit (Regional Director for East and Southeast Asia)
Paano Sipiin ang Katalogo ng mga Nanganganib na Wika

Para sa pangkalahatang impormasyon mula sa Katalogo ng mga Nanganganib na Wika, kasama ang pahinang ito na "Tungkol sa", sipiin bilang:

Katalogo ng mga Nanganganib na Wika. 2025. University of Hawaiʻi at Mānoa. http://www.endangeredlanguages.com

Para sa pangkalahatang impormasyon mula sa isang kalahok sa wika (hal. mga pangalan ng wika, klasipikasyon, o katayuan ng pagkabuhay), sipiin ang:


"PANGALAN NG WIKA." Katalogo ng mga Nanganganib na Wika. 2025. University of Hawaiʻi at Mānoa. PETSA NG ACCESS. < BUONG URL NG PARTIKULAR NA PAHINA NG WIKA >

Halimbawa:

"Xipaya." Katalogo ng mga Nanganganib na Wika. 2025. University of Hawaiʻi at Mānoa. Aug. 9, 2025. http://www.endangeredlanguages.com/elp-language/1001

Halos lahat ng impormasyon sa Katalogo ng mga Nanganganib na Wika ​​ay may kasamang pagsipi ng orihinal na pinagkunan na nagbigay ng datos na ito (hal. artikulo sa journal, aklat, personal na komunikasyon, atbp.). Makikita ang impormasyon ng pagsipi sa itaas ng kahon ng "Impormasyon" sa bawat pahina ng wika; kung gusto mong magparami ng datos gaya ng mga bilang ng nagsasalita, maaari mong sipiin ang orihinal na pinagkunan na ibinigay doon.

Paano Hinaharap ng Katalogo ang Mahihirap na Tanong

Diyalekto vs. Mga Wika

Ang pagkakaiba sa pagitan ng isang "diyalekto" at isang "wika" ay lubos na pinagtatalunan, hindi lamang ng mga linggwista kundi ng mga komunidad ng wika, mga gumagawa ng patakaran, mga tagapagsalin, mga tagapagturo, at sinumang iba pang nagtatrabaho sa mga wika. Kinuwestiyon ng ilang mga iskolar kung ang mga terminong ito ay magagamit sa mga kontemporaryong pag-unawa sa wika; kung ang mga alternatibong balangkas tulad ng “languoids” ay lalong ginagamit sa linggwistiks at sa mga kaugnay na larangan, at ang mas pangkalahatang terminong “iba't-ibang wika” ay matagal nang naging kapaki-pakinabang na paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng pagkakaibang ito.

Sa loob ng akademikong disiplina ng linggwistiks, ang "mga wika" at "mga diyalekto" ay tinutukoy sa iba't ibang paraan. Ang pinakakaraniwang pamantayang pangwika para sa pagtatangi ng isang wika mula sa isang diyalekto ay ang kapwa pagkakaunawaan. Kung ang mga tao ay medyo magkaiba magsalita ngunit nagkakaintindihan ng mabuti sa isa't isa, kung gayon sila ay itinuturing na nagsasalita ng mga diyalekto sa parehong wika. Ang pamantayang ito ay mahirap ilapat sa pagsasanay, dahil sa maraming pagkakataon ang mga nagsasalita ay magkakaroon ng ilang pagkakalantad noon o kaalaman sa iba pang uri. Gayunpaman, hindi lamang ito ang pamantayang pangwika na ginagamit upang matukoy ang pagkakaiba sa pagitan ng wika at dayalekto. Minsan, ang desisyon ay nakasalalay sa mga pampulitika at panlipunang salik. Halimbawa, ang mga nagsasalita ng Swedish at Norwegian ay nagkakaintindhan nang mabuti, ngunit sa mga kadahilanang pampulitika ay itinuturing silang magkahiwalay na wika.

Kadalasan ay mahirap gumawa ng malinaw na paghatol kung ang isang barayti ay isang “wika” o isang “diyalekto” - maraming mga barayti ng wika na pinaniniwalaan na mga independiyenteng wika ng ilang mga iskolar, ngunit itinuturing ng iba na mga dialekto ng isang wika, kahit na inilalapat ang pamantayan ng kapwa pagkakaunawaan.

HIndi inaangkin ng Katalogo na tukuyin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga diyalekto at wika; gayunpaman, ang isyung ito ay kailangang matugunan sa ilang paraan, dahil ang orihinal na disenyo ng Katalogo ay tumutukoy sa isang katalogo ng mga nanganganib na wika. Dahil dito, ang mga barayti na malinaw na diyalekto ng ibang wika ay hindi kasama bilang hiwalay na mga kalahok sa Katalogo. Para sa mga layunin ng Katalogo ng mga Nanganganib na Wika, dahil ito ay isang akademikong proyekto, binibigyang prayoridad ang pamantayang pangwika ng kapwa pagkakaunawaan ng mga wika, bagama't mahalaga din ang mga salik na panlipunan at pampulitika.

Sa mga kaso kung saan pinagtatalunan kung ang mga barayti ng wika ay mga diyalekto ng isang wika, kumpara sa malapit na kaugnay na mga wika, kasama sa Katalogo ang hiwalay na mga kalahok para sa mga barayting ito. Ang mga entry na ito ay karaniwang may kasamang mga komento mula sa Pandaigdigang Lupon ng mga Direktor ng Katalogo, na nagbubuod nang maikli sa akademikong debate tungkol sa barayti. Habang mas marami ang natutunan tungkol sa mga barayti ng wikang ito, maaaring maging posible na magkaroon ng higit na pag-unawa tungkol sa mga pagkakapareho at pagkakaiba sa pagitan ng mga ito. Ang katayuan ng mga ito bilang isang “wika” o “diyalekto” ay maaaring manatiling pinagtatalunan, depende sa kung sino ang nag-uusap tungkol sa mga ito. Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng “mga diyalekto” at “mga wika” ay may kumplikadong mga detalye, at nakasalalay sa mas malawak na mga isyu tulad ng pampulitika, kasaysayan, pang-ekonomiya, at sosyokultural na konteksto.

Habang patuloy na lumalaki at umuunlad ang Katalogo, pana-panahon naming babalikan ang aming pag-iisip at paglapit sa mga wika, diyalekto, barayti, languoid, atbp. Tinatanggap namin ang iyong mga komento at mungkahi sa: feedback@endangeredlanguages.com

 

Mga Wikang Natutulog at Nagising

Nilalayon ng Katalogo ng mga Nanganganib na Wika ​na isama ang lahat ng mga wika na kasalukuyang nanganganib, gayundin ang mga wikang nawalan ng lahat ng mga nagsasalita/tagalagda sa loob ng nakalipas na kalahating siglo (mula noong humigit-kumulang 1960). Ang takdang panahon na ito ay pinili bilang isang napapamahalaang saklaw para sa proyekto ng pananaliksik, at sumasalamin sa tumaas na pagkakaroon ng impormasyon sa pagkabuhay ng wika sa inilathala na literatura mula noong 1960s. Ang mga wika na kasalukuyang walang (kilalang) nagsasalita/tagalagda ay kasama sa Katalogo sa ilalim ng kategoryang nanganganib na “Natutulog.” Ang terminolohiyang ito ay ginusto at ginagamit ng maraming Katutubong lingguwista at tagapagtaguyod ng wika, at lalong ginagamit sa loob ng akademikong linggwistika, dahil wasto nitong ipinahihiwatig na ang isang wikang walang buhay na nagsasalita/tagalagda ay maaari pa ring “gisingin,” o ibalik sa paggamit.

 

Hindi ginagamit ng Katalogo ng mga Nanganganib na Wika ​​ang mga terminong “wala na,” “patay,” “namamatay,” o iba pang katulad na termino. Ang mga tatak na ito ay puno at nagdadala ng mga kahulugan na maaaring maging sandata laban sa mga komunidad ng wika at mga pagsisikap sa pagpapasigla. Ang mga terminong gaya ng “kamatayan ng wika” at “pagkalipol” ay hindi wastong nagpapahiwatig na ang mga wikang walang buhay na nagsasalita/tagalagda ay hindi na muling mabubuhay (dahil permanente ang kamatayan), na ang kanilang pagkasira ay natural o hindi maiiwasan (dahil ang lahat ng nabubuhay na bagay ay namamatay), o ang mga tao at ang mga komunidad na gumamit ng mga wikang ito ay kahit papaano ay “nawala na” o “wala na”. Ang mga terminong ito ay maaaring maging lubhang nakapipinsala at nakapanghihina ng loob sa mga komunidad na nakikibahagi, o nagnanais na lumahok, sa pagpapasigla ng wika.

 

Ang mga wikang walang kilalang nagsasalita/tagalagda sa daan-daan o libu-libong taon ay hindi kasama sa Katalogo, dahil ang mapagkukunang ito ay naglalayong magbigay ng impormasyon sa kasalukuyang kalagayan ng pagkawala ng wika sa buong mundo. Ang detalyadong impormasyon tungkol sa pagbabago at pagkawala ng wika bago ang kalagitnaan ng ika-20 siglo ay lampas sa saklaw ng proyektong ito, bagama't malinaw na napakaraming wika ang pinatahimik sa nakalipas na 500 taon.

 

Ang mga wikang pinaniniwalaang naging natutulog mula noong 1960 ay kasama sa Katalogo para sa ilang mga kadahilanan. Una, kapaki-pakinabang na tingnan ang pagkabuhay at pagkawala ng wika sa loob ng kamakailang nakaraan na (60 taon o higit pa) upang maunawaan ang kasalukuyang kalagayan ng mga wika sa buong mundo. Bukod dito, nagkaroon ng maraming kaso kung saan ang isang wika ay pinaniniwalaang wala nang buhay na nagsasalita/tagalagda, ngunit pagkatapos ay dumating ang isang buhay na nagsasalita/tagalagda pagkalipas ng ilang mga taon o dekada. Ito ay isa pang dahilan kung bakit kasama sa Katalog ang mga wika na kamakailan ay naging natutulog: maaaring mayroon pa ring mga buhay na nagsasalita/tagalagda.

 

Ang mga wikang dumaan sa panahon ng walang kilalang mga nagsasalita/tagalagda, ngunit ngayon ay muling binubuhay at sinasalita/nilagdaan muli, ay nakalista sa Katalogo bilang “Paggising.” Nangangahulugan ang katayuang ito na may pinagsamang pagsisikap na isinasagawa upang maibalik ang paggamit ng isang wika – ang wika ay “nagising” sa pamamagitan ng mga nagsasalita/tagalagda nito, pagkatapos ng isang panahon ng pagkakatulog.

 

Sa wakas, dapat nating tandaan na maraming mga wika na kasama sa Katalogo ay may kaunti o walang kamakailang impormasyon na magagamit nang mga mananaliksik tungkol sa kanilang pagkabuhay. Ang pinakabagong impormasyon sa pagkabuhay na makukuha tungkol sa ilang mga wika ay maaaring mga taon o dekada na. Ibig sabihin, ang ilang mga wikang nakalista bilang “nanganganib” ay maaaring sa katunayan ay hindi natutulog – nangangahulugan din ito na ang ilang mga wika na nakalista bilang “natutulog” ay maaaring nagising na ngayon. Ang mga komunidad sa buong mundo ay lalong binabawi at muling binubuhay ang kanilang mga wika, at ang patuloy na lumalaking bilang ng mga wika ang nagising. Inaasahan naming mabago ang maraming mga entry sa wika mula sa “natutulog” hanggang sa kategoryang “pagkagising” sa mga susunod na taon.

Ang Katalogo ay isang Buhay na Materyal

Bilang isang online na materyal, ang Katalogo ng mga Nanganganib na Wika ​​ay nilalayong patuloy na mabago at mapalawak. Ang mga wika sa materyal na ito, tulad ng lahat ng mga komunidad at gawi ng tao, ay patuloy na nagbabago; ang aming layunin ay makagawa ng bago at napapanahong impormasyon na magagamit sa sandaling malaman ito ng koponan ng Katalogo.

Ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang panatilihing napapanahon ang materyal na ito, sa pamamagitan ng patuloy na pagtiyak at pagdaragdag ng bagong impormasyon mula sa mga publikasyon, mga balita, mga pagsuri sa komunidad, at mga komunikasyon mula sa mga komunidad ng wika at mga iskolar.

Gayunpaman, limitado ang Katalogo sa pag-access nito sa impormasyon tungkol sa mga wika sa mundo – hindi laging madali para sa pangkat ng pananaliksik na malaman ang tungkol sa mga pagbabago sa pagkabuhay ng isang wika, maliban kung may taong magpapakalat ng impormasyong iyon sa mas malawak na mundo. Dahil dito, maaari kang makakita ng impormasyon na ilang taon na, hindi kumpleto, o kung hindi man ay hindi pinakamainam.

Kung may nakita kang impormasyon na nawawala o hindi napapanahon, mangyaring makipag-ugnayan sa amin!Umaasa kami sa mga taong may kaalaman tungkol sa isang wika upang tulungan kaming magbigay ng angkop impormasyon. Mahalaga sa amin na matiyak na ang mga wika ay kinakatawan nang tumpak hangga't maaari sa Katalogo, at nagpapasalamat kami sa lahat ng nagbahagi ng kanilang kaalaman upang mapabuti ang database sa paglipas ng mga taon.

Tuklasin ang Impormasyon sa Katalogo

Maaari mong makita ang impormasyon sa Katalogo sa pamamagitan ng pagbisita sa mapa ng wika at pahina ng paghahanap. Kung gusto mong i-download ang lahat ng impormasyon bilang isang .csv file, bisitahin ang link na "I-download ang Data."

 

Image
Collage Yellow Tropical Leaf