Mahal kong Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika,
Mahilig akong magsalita ng aking wika, at sinasalita ko ito sa aking pamilya at mga kaibigan, ngunit kapag nagpupunta ako sa isang tindahan o restaurant, agad kong binabago sa nangingibabaw na wika ng aking lugar. Mayroon ba kayong mga ideya kung paano ko maiiwasan ang ganitong pagpapadala sa panggigipit na ito at magpatuloy sa pagsasalita ng aking wika?
-Paninindigan
Mahal kong Paninindigan,
Una sa lahat, nais kong purihin ka sa iyong pagpansin sa sitwasyon at kagustuhan na baguhin ito. Minsan ay nagiging karaniwan na lang sa atin na gamitin lamang ang ating wika sa ating pamilya at mga malalapit na kaibigan at hindi natin naiisip kung gaano ito nagiging problema na tayo ay limitado sa iba pang panlipunang kapaligiran. Ang sitwasyong ito ay hindi natural; ito ay resulta ng diskriminasyon laban sa mga gumagamit ng ating mga wika. Ang paggamit ng mga wika natin sa mga sitwasyon kung saan may panggigipit na hindi ito gawin ay isang paraan upang labanan itong diskriminasyon at muling makita at marinig ang ating sarili.
Napakahalaga na maunawaan natin ang mga panganib at hamon na maaaring kasama sa paggamit ng ating wika sa mga pampublikong lugar. Sa ilang konteksto, maaaring harapin ng mga nagsasalita ang karahasan at pagsalakay mula sa mga aktor at indibidwal ng Estado. Maglaan ng oras upang pag-isipan ang iyong konteksto at kung paano ka mananatiling ligtas sa loob nito. Kung mas magiging komportable ka sa iyong konteksto na subukang mas gamitin ang iyong wika sa publiko, narito ang ilang bagay na maaari nating pag-isipan. Gaano karami ang mga may kakayahang gumamit ng iyong wika sa lugar ninyo? Gaano karaming tao ang nakakaunawa ng iyong wika? Anong mga pagkakataon na magagamit o mauunawaan ng mga taong nagtatrabaho sa mga tindahan at restaurant ang iyong wika? Anong uri ng reaksyon ang maaari mong asahan sa mga tao kung gagamitin mo ang iyong wika? Ang mga estratehiyang gagamitin mo ay nakadepende sa mga sagot sa mga katanungang ito at nag-iiba sa bawat komunidad. Ito ay may kinalaman sa tinatawag nating paninindigan ng wika, o kung paano natin magagamit ang ating wika nang may paggalang at kumpiyansa.
Nagmula ako sa isang lugar sa Ireland kung saan karamihan sa mga tao ay may kaunting kaalaman sa wikang Irish, ngunit hindi madaling magkaroon ng buong pag-uusap. Ang nangingibabaw na wika ng komunidad ay Ingles, na nasa ibang pamilya ng wika. Nangangahulugan ito na kapag pumunta ako sa karamihan ng mga restaurant at tindahan kung saan ako nagmula, hindi ko inaasahan ang buong pag-uusap sa Irish – ngunit hindi ko alam na hindi rin ito magiging posible. Gumagawa ako ng ilang bagay upang palakasin ang mga pagkakataon: Sa magiliw na paraan akong bumabati, nagpapaalam, at nagpapasalamat sa wikang Irish. Nagsusuot ako ng pin na tinatawag na fáinne, na nagpapakita na isa akong nagsasalita ng Irish. Sinusukat ko ang reaksyon ng tao: Naiintindihan ba nila ako? Mukha ba silang masaya na makarinig ng wikang Irish, o walang pakialam, galit, o nalilito? Sumasagot ba sila sa Irish? Ginagamit ko ang lahat ng ito upang makita kung gaano pa ako makakapagsalita ng wika.
Sa València, kung saan ako nakatira, marami akong nakilalang nagsasalita ng Valencian na naglalayong ipagpatuloy ang pagsasalita ng Valencian sa lahat ng kanilang pakikipag-ugnayan. Ginagawa ito bilang bahagi ng kolektibong kilusan upang itaguyod ang wika. Dahil nasa iisang pamilya ng wika ang Valencian at Español, mas malaki ang pagkakataong maintindihan ng mga monolingual na nagsasalita ng Español ang Valencian, hangga't bukas sila na subukan ito. Sinubukan ng ilang tao na sumalungat sa ganitong paraan ng pagtataguyod ng wika sa pamamagitan ng pagsabi na binubukod nito ang mga taong may iba pang pinagmulan ng lingguwistika. Ito ay talagang nagsisilbi upang maibahagi ang wika sa atin. Kung ang wika ay ginagamit lamang sa pagitan ng mga kasalukuyang nakakaalam nito, magiging mahirap na lumikha ng mas marami pang mga nagsasalita ng Valencian sa hinaharap, na siyang pangunahing layunin ng kilusang pangwika.
Ang malayang paggamit ng ating wika ay maaaring humantong sa salungatan, at muli, nais kong bigyang-diin na mahalagang pag-isipan mong mabuti kung ano ang ligtas sa iyong konteksto at kung saan ka komportable. Gayunpaman, mahalaga ring tandaan na ang salungatan ay nagmumula sa sitwasyon ng hindi pagkakapantay-pantay, at hindi mula sa taong nagnanais manindigan sa kanilang mga karapatan sa wika. Maaaring harapin ng mga gumagamit ang salungatan sa pamamagitan ng pag-alis sa isang pakikipag-ugnayan, pagdala ng kanilang negosyo sa ibang lugar, o paghain ng opisyal na reklamo, kung posible.
Hindi madaling harapin ang ating sariling pagkabahala habang lumalaban tayo sa isang panlipunang pamantayan at hindi rin madali ang makaranas ng salungatan, ngunit mas madali ito kung mayroon tayong network ng suporta. Ang pakikipagkita sa iba pang gumagamit ng ating mga wika upang pag-usapan ang ating mga pagsisikap at sama-samang bumuo ng mga estratehiya ay maaaring maging malaking tulong. Bagama't maaari nating hamunin ang mga pamamaraan ng nangingibabaw na wika bilang mga indibidwal, mas malakas tayo kapag sama-sama at ginagawa ito na kasama ang iba. Nakakatulong din ito sa atin na harapin ang emosyonal na epekto ng gawaing ito.
Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga taong nasa iba pang komunidad na pinag-isipan ang tungkol sa mga katanungang ito, maaari tayong magbahagi ng mga ideya at maging inspirado rin. Ang mga mentor ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika ay palaging nandito upang suportahan ka!
-Alexandra